Para sa Lalaking Hindi Nagbabasa ng mga Blog Post ko

Hindi ko na maalala kung kailan ba yung huling nagsulat ako nang may bitbit na sama ng loob sa’yo. Nung huli mo kasing nabasa ang sulat ko, alam kong nasaktan ka sa mga sinabi ko kaya naman kahit ilang beses kong gustong magsabi ng nararamdaman ko, hindi ko na magawa dahil sa pagpipigil na makasakit uli.

Pero ngayon, heto ako at di ako magpapaawat kasi siguro, iba ‘to, iba ngayon. Ayokong magsulat ng tungkol sa’yo habang masaya akong iniisip ka dahil gusto kong malaman kung hanggang saan ako aabutin ng paulit-ulit na sama ng loob na ibinibigay mo sa akin.

Nakakainis ka dahil isa ako noong tipikal na feeling prinsesa na inakalang kapag nakasama na kita ay magiging maayos na lahat. Hindi naman pala. Nakakainis na kung paano kang nagsimula na halos hindi ako isayad sa lupa e ngayon na parang pinapabayaan mo na lang ako humandusay mag-isa. Minsan, hindi ko maisip na kung paanong ang “ideal husband material boyfriend” ko ay nagiging “worst partner ever” sa ilang taon palang. Hindi ko alam na ganun ka pala kabilis magpalit anyo at ganun lang kadali na kalimutan lahat.

Napapaisip nalang din ako minsan kung mali ba talaga ang mga naging desisyon ko sa buhay o baka naman masyado tayong nagmadali. Mabilisan lang nangyari ang lahat, ni hindi nga yata tayo nag-isip. Akala kasi siguro natin noon na dahil lang sa pagmamahal ay magagawan lahat ng paraan. Mahirap na pala kapag nagkandaipit-ipit na sa problemang dadaan.

Pero sa kabila ng lahat, kapag okay na at kumalma na ako, maiisip ko na kapantay lang naman ng mga pagkukulang mo ang mga pagkukulang ko. Dahil ang anumang hindi ko nagawa para sa’yo ay di ko rin nagawa para sa sarili ko. Maiisip ko rin na dapat hindi na ako nagtataka kung paano ba natin natatagalan ang ganito dahil alam ko naman sa sarili ko na ikaw lang naman ang mayroon ako.

Oo, siguro nga may mga pagkakataon na halos isumpa na kita at ilang beses ko na nga bang sinabi na sana mamuhay ka nalang ng mag-isa. Pero para naman akong praning na naghahanap at nagdadasal na sana umuwi ka na kapag wala ka pa. May mga pagkakataon na nahihirapan na ako sa’yo at alam kong ganun ka rin naman sa akin, pero kung kaya ko lang ulitin ang lahat ay gugustuhin ko naman na makasama ka parin. Diba hindi madali ang sinimulan natin? Pero kung papipiliin man ako ay pipiliin ko parin na dumaan sa ganun kahirap na ang kasama ko ay ikaw lang din. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ako patuloy na nakakapit at naniniwala sa’yo, at nagtitiwala ako na ganun ka rin naman sa akin. Na kahit mahirap, hindi ako bibitaw dahil walang ibang makagagawa ng lahat ng ito kundi ako lang at ikaw.

Hindi ko maipapangako sa iyo na araw-araw ay magiging masaya lang tayo at parang palaging Valentine’s day sa piling ko. Pero ipinapangako ko sa’yo na pipiliin kong manahimik at aakuin ang mga pagkakamali ko kapag napatunayang mali ako at hindi nagtagumpay ang pagkumbinsi ko sa’yo na tama talaga ako. Ipinapangako ko na hindi ko sasabayan ang init ng ulo mo lalo na kapag ang dahilan naman talaga ay dahil ako ang naunang mag-init ang ulo sa’yo. Ipinapangako ko rin na hindi na ako lalaban at hihintayin ka nalang na suyuin ako dahil alam na alam mo naman kung paano ako mapapaamo.

Yung totoo, ito lang ang mga bagay na mananatiling pangako ko sa’yo.

Ipinapangako ko na kakayanin pa ang lahat ng pagsubok at patuloy akong aagapay sa iyo. Susuporta sa abot ng makakaya ko. Paniniwalaan ka at ipagtatanggol ka sa lahat ng mang-api o magmaliit sa’yo. Poprotektahan ka at papanig sa’yo dahil alam mong ako ang kakampi mo.

Higit sa lahat, ipinapangako kong iintindihin ka parin lalo na sa mga panahong hindi na kita maintindihan. Lalaban at magiging matapang sa mga panahong labis mo akong masasaktan. Mag-iisip at kakalama sa mga panahong magtatanong ako kung bakit pa ba ako tumatagal. At mas mamahalin kita lalo na sa mga panahong hindi ka kamahal-mahal.

Siguro nga, dahil sa tagal na natin na magkasama ay hindi ko namamalayan na may mga bagay naman na dumarating kapalit ng mga nawawala. Masyado akong tumututok sa’yo at sa mga pagkakamali mo kahit na alam ko naman na may mga kasalanan din ako.

Sa labindalawang taon na kasama mo, sana malaman mong hindi ko na susubukang muling sumuko. Pero susubukan kong kayanin ang lahat kahit paulit-ulit, kahit mahirap. Lahat ng imposible, gawin natin nang magkasama dahil andito ako sa tabi mo at mahal parin kita.

Sana lang wag mo rin akong sukuan, kung pwede lang?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s