Susuko Pero Susubok Tas Repeat

I had to make bows again last night, and I spent five hours just to complete a simple set.

(Ayoko palang mag-english haha, mahihirapan ako)

May pupuntahang birthday ang asawa ko. Anak ng boss nya. Babae yun na medyo makulit pero sweet. Huling nagkita kami nung Christmas party at nangako ako na gagawan ko sya ng hairbows. Hanggang sa nawala na ang hanging amihan, hindi parin ako nakagawa.

Para sa kaalaman ng iba, suma-sideline ako sa paggawa ng hairbows o hairclips. Ang pinaka medium ko ay ribbons at felt. Medyo matagal-tagal ko na ring ginagawa at may time noon na nakakatanggap ako ng maramihang order. Naalala ko noon na isang buong buwan ng December, puyat ako kagagawa ng mga ipit na halos hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko. Dahil may mga deadline din kahit sabihin na may binibigay akong lead time para sa production, kailangan na mabilis akong gumawa. Kung meron akong isang maipagmamayabang na hindi man ako ang pinakamagaling pero alam kong kaya kong ilaban e ang quality ng mga gawa ko na pulido at matibay. Yun ang dahilan kaya minsan tumatagal ako kasi binubusisi ko talaga ang paggawa. Pero ang isang set na ginawa ko para abutin ng limang oras ay di makatarungan. Kayang-kaya sana yon ng dalawang oras lang kasama packaging. Inabot ako ng pagsikat ng araw sa paggawa ng isang pirasong headband lang at anim na pares ng maliliit at simpleng clip.

Atras muna tayo ng konti. Bago ako gumawa, hinanap ko ang gunting ko. Sobrang purol na pero wala naman akong magagawa dahil wala akong ibang gunting na pwedeng gamitin. Kailangan kasi sa paggupit ng ribbon, matalas na gunting para malinis ang gupit at walang himulmol. Tapos non, binuksan ko yung cabinet na pinagtataguan ko ng mga supplies ko sa paggawa ng hairbows. Sabay tingin sa mga ribbons ko na magugulo, mga hindi nakasinop, gupit-gupit, walang mga tape. Mga sizes na halu-halo, mga beads na magkakasama, buhol-buhol na sinulid. May agiw na nga yung cabinet at yung daddy long legs na gagambang naging residente na dun. Sabay naalala ko yung mga umorder nga pala sa akin na hindi ko nagawan kahit na um-oo ako. Tapos yung pagkakataon na tinapos ko sana yung iba para naibenta. Huminto kasi ako sa paggawa, parang hindi ko na kayang gumawa.

Atras pa tayo ng medyo malayo ng konti, sa panahon na hindi ako nawawalan ng orders. Halos wala akong tulog minsan sa kagagawa. Gupit, tahi, dikit. Mapapaso, matutusok, magkakamali. Minsan pagkatapos ng isang set, ako pa ang magdedeliver. Sa dami noon dati, hindi ako makakain, ngawit na ang paa ko sa tagal ng pagkakasalampak sa sahig. Pero okay lang! Masaya ako sa ginagawa ko. Napapagod ako pero di ko naramdaman na mahirap kahit na ang daming kailangang gawin para lang makabuo ng isang pares. Kaya yung mga naging buyer ko, makakasiguro na ang mga ipit ko ay ginawa ko nang masaya. Pinaglaanan ko ng buong atensyon at focus, ibinigay ko ang sarili ko sa bawat isa. Para hindi makatulog, makikinig ako ng rock music na nakakapagpasaya sa akin – full volume. Kapag naman pakiramdam ko bumababa ang energy ko, lalabas kami mag-asawa at lilibot para makahinga ako ng isang saglit at maging positive uli. Never akong nakagawa ng ipit na malungkot. Kung makagawa man ako, dalawa lang yun: kundi simpleng design lang, pangit ang lalabas na final product.

Balik tayo sa present. Kaya yun ang dahilan bakit hindi ako gumagawa ng hairbows nitong nakaraang mga linggo at buwan. Ito rin yung dahilan bakit hindi ako makasulat, hindi makapag focus, hindi makahanap ng energy para makakita ng magagandang bagay. Ang dami kong drafts at idea, ang dami kong gustong simulan pero nahihirapan ako, hindi ko alam kung paanong may magagawa ako nang hindi babagsak sa kapalpakan o baka hindi pa nga matapos.

Marami ang nagsasabi na drama lang, wala lang yan. Hindi ko nga alam kung baka meron pang nagduda o pinagkatuwaan ang nararamdaman ko. May iba naman na nagsabing normal lang daw to, lahat ng tao may problema. May iba pa na sinabing may mas higit na dapat problemahin o mas higit pa yung naranasan nila kesa sa akin. Nakakainis minsan kasi hindi naman sila talaga nakatulong. Mas nakakagaan sana sa pakiramdam na iacknowledge nila yung nararamdaman ko at valid yon. Hindi ako nag eemote, hindi ako nagpapapansin, hindi ako umaarte, hindi ito basta phase lang, o parang prutas na may panahon o season.

Abante pa tayo ng konti sa mas present. Nakagawa ako ng anim na pares at isang headband. Hindi gaanong kahirap ang design na napili kong gawin dahil sa totoo lang, hindi ko pa talaga “feel” na gumawa. Gusto ko na nga sanang ibenta ang ibang mga gamit ko sa isang craft destash group kaso di ko alam kung may bibili. Andami din na mga ipit na nagawa ko na pero walang attachment. Iniisip ko kahapon, ano ba? Ano na bang gagawin ko, tutuloy pa ba ako?

Heto nanaman si po overthink queen. Pero binakuran ko na agad ang sarili ko. Sabi ko, ayoko na. Pagod na talaga ako, pagod na pagod na pagod. May ilang araw na rin akong malinis. Malinis sa pagiisip ng mga hindi magagandang bagay. Ayoko na mag-isip ng hindi maganda kasi paano na mga anak ko? Hindi magandang idea na mawala ako sa buhay nila, hindi ko maimagine at alam kong hindi ko rin kakayanin.

Kaya heto ako, sumusubok muli. Lumalaban parin kada araw kahit pagod. Susuko at susuko ako, dahil hindi ko naman maipapangakong magiging malakas ako. Pero ipapangako ko nalang sa sarili ko na susubok ako. Hindi ako ganun katatag, hindi ako ganun kapositibo. Pero kung dumating ang panahon na lamunin nanaman ako ng mga multong binuo ko, susubukan kong makawala. Malulugmok ako, iiyak parin ako, pero susubukan kong kumalma at tumahan agad. Para sa future, makalagpas ako sa kung ano man ang nararamdaman ko ngayon.

Ano nangyari sa hairbows? Nagustuhan naman ng bata at di nga raw hinubad ang headband. Sabay isiningit ko na rin gumawa ng bagong headband at hairclips para sa unica hija ko at ng may bago nanamang dagdag sa koleksyon nyang hindi naman lagi naisusuot.

Susuka pero di susuko? Haha. Lumang motto. Pero ngayon, more like “sumusuko ako lagi pero hinding hindi ako titigil na sumubok.” Tas repeat lang ng repeat, ulitin hanggang sa mapagod ako pero magpapahinga lang ako saglit tas susubok ako uli.

Advertisements

5 thoughts on “Susuko Pero Susubok Tas Repeat

  1. Gurezu says:

    This is so inspiring. Ang cute ng mga gawa mo. If you won’t stop, I’ll recommend you aa group ng nga lolita because it requires bows and a lot of ribbons. May sideline rin ako dati, calligraphy na nilalagay aa mugs. I had commissions pero nahinto. Na focus ako sa photography these days e. Sana huwag ka huminto at.malabanan mo ang sarili. Valid ang nararamdaman mo sis. It’s a battle lang talaga.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s